Ang Simula sa Likod ng Pagtatapos

Noong nakaraang araw ay nanggaling ako sa Pagtatapos ng mga estudyante ko sa Parang Elementary School. Akala ko nga hindi na ako makaka-abot ngunit sa kabiutihang palad ay naabutan ko pa kahit patapos na. Naabutan ko na lamang and dalawang estudyante ko dahil iyong ilan ay naka-alis na. Sobrang ipinagmamalaki ko ang mga estudyanteng naturuan ko. Bukod sa kadahilanan na ako ang tumulong sa kanila, ipinagmamalaki ko sila sa kadahilanan na pinag-butihan nila ang kanilag pag-aaral. At ngayon, hahantong na sila sa isang bago na namang kabanta sa kanilang mga buhay. Magsasara na naman ang isang pinto. Isang pintong minahal nang mga magtatapos.

Nang lumibot ako sa paaralan, humantong ako sa kanilang binubungang palaruan kung saan ginanap ang kanilang pagtatapos. At nang tumingin ako sa entablado, tumambad sa akin ang salitang: PAGTATAPOS. Sobrang laki ng pagkakasulat na nasakop na nito ang buong espasyo ng dingding sa entablado. PAGTATAPOS. Napatitig ako rito. Napaisip. Oo nga, ilang araw na lang ay magtatapos na rin ako. Mawawala na ako sa piling ng mga taong itinuring ko pamilya. Mga kaklase na nagsilbing kapatid ko sa loob ng apat na taon. Mga gurong tumayong magulang ko. Mahirap tanggapin na tatailangang matapos ang lahat. Ngunit, matatapos nga ba ang lahat? Mayroon ba talagang katapusan tulad sa mga nobelang nababasa natin na sa dulo ay nakasulat ang mga katagang Wakas, End, Fin? Parang wala pa naman akong nakitang may ganoong nakalagay noong nagtapos ako sa Mababang Paaralan. Parang hindi ko rin naman ata iyon nakita noong hindi ko naging prom date yung crush ko. Ang tanong ngayon ay, meron nga ba?

Sabi nga ng karamihan, ang lahat ng bagay ay may katapusan. Ang pagiging mataba ay may katapusan. Ang iPod na hawak mo ngayon ay may katapusan. Ngunit, naniniwala ako na hangga’t ang tao ay nabubuhay, walang katapusan ang pag-usad ng tao. Ang tao ay patuloy na gagalaw at gagawa ng mga bagay-bagay.

Balikan natin ang salitang Pagtatapos. Sa buhay estudyante siguro wala talagang “Pagtatapos”. Kung iisipin, mayroon lamang “Paglimot”. Tao na ang magpapasya kung lilimutin niya ang mga ala-alang naranasan niya sa kanyang buhay. Sa apat na taon na nahubog ako sa Mataas na Paaralan, mahirap limutin ang aking mga naranasan. Kahit pilitin ko man limutin, iba pa rin talaga pag wala na sa isip ang mga karanasang ito, kundi nasa puso. Kaya ikaw, dalawa lang naman ang maari mong gawin ngayong panahon ng pagtatapso. Lilimutin mo ba sila (clean slate?) o isasapuso mo ang bawat panahon na mayroon kayo (Friends Forever?). Ikaw ang mamili. 😄