Malaya ka ba?

Malaya ka ba? Kuno Oo, kailan ka lumaya ka? Kung hindi naman, Lalaya ka pa ba? Ito ang mga katanungang bumabagabag sa akin nitong mga nakaraang araw habang nababalitaan ko sa mga balita mula sa radyo, dyaryo at telebisyon ang inaabangang Araw ng Kalayaan.

Bilang estudyante, lubos kong tinatangkilik ang araw na ito sapagkat wala akong pasok. Ito ang araw noong kabataan kung saan namamasyal ako sa mga kompyuteran para mag-laro ng DOTA, Red Alert, Counter-Strike at kapag nanalo na ako ay bigla na lang mapapasigaw nang “Mabuhay ang Pilipinas RATATATATATTATAT.” Pakiramdam ko isa akong bayani ng Pilipinas na sumasagupa sa mga terorista sa CS, nagmamaneho ng tangkeng pangdigma sa Red Alert at ang bayaning si Kardel sa DOTA. At sa tuwing maalala ko ang karansang ito, napapaisip ako, nasaan doon ang kalayaan.

Alam ko sa sarili ko masaya ako. Pero iba naman ang kasiyahan sa kalayaan. Naniniwala ako na hindi dahil masaya ang isang tao ay malaya na siya. Maaring tinatanggap na lamang ng tao ang sitwasyon niya ng pagkakakulong at ginagamit niya ang sariling mekanismo upang makibagay sa sitwasyon. At dahil doon sumasaya siya.

Kalayaang Personal

Ang kalayaan ng isang tao ay maaring mag-ugat sa kanyang karanasan. Hayaan ninyo ako magbahagi ng isang kongkretong halimbawa.

Ngayong inalala ko ang karanasan ko noong ako ay bata, naisip ko na hindi ako malaya. Nakakulong pa rin ako sa ala-ala ng nakaraan. Kung ihahambing sa pag-ibig, ako iyong tipo ng lalaki na hindi maka-move-on matapos ang isang masaklap na paghihiwalay (Pero No girl friend since birth ako eh. Halimbawa lang po lamang ito.) Ang isipan ko ay nakakulong sa isang karanasan ng nakaraan. Lalo na ngayong nasa kolehiyo ako. Naninibago ako dahil hindi ako sanay sa kalakaran at mga taong nakakasalamuha ko.

Isa pang halimbawa ay ang mga kapwa natin na homosexuals. Marami sa mga miyembro ng LGBT ay hindi tanggap kung sino sila. Hindi sila makalabas o maipahayag ang sarili nila. Kaya naman naguguluhan sila kung sino talaga sila. Hindi sila nagiging malaya dahil may pagdududa sila sa sarili nila.

Kalayaan sa sarili. Ikaw ba, natanggap mo na ang isang bagay sa nakaraan mo at masasasabi mong personal kang malaya?

Kalayaang Panlipunan

Dati rati, masayang-masaya ako tuwing makikipag-laro ako sa mga bata sa lansangan na anak rin ng aming mga kapitbahay. Ngunit, sa pag-daan ng panahon, naging sarado na ang pintuan ng aming mga bahay sa isa’t-isa. Nagkaroon ng mga awa ang aming mga pamilya at tila wala na akong balita kung ano man ang nangyari sa kanila. Hindi ko na nga alam kung nasaan na sila. Sa tuwing lumalabas ako ng aming bahay, pakiramdam ko ay mapapahamak ako. Ang lansangang dati rating pinaglalaruan ko, ngayon ay pugad na ng mga masasamang elemento: Mga magnanakaw, kidnapper, snatcher at kung ano-ano pa. Ang katauhan ko ay nakukulong na lamang sa loob ng bahay. Hindi na ako kampanteng maglakad ng mag-isa sa gabi dahil iba na ang mga kapitbahay ko. Di ko na sila ganoon kakilala.

Ang kalayaang tinutukoy ko sa lipunan ay kung tanggap mo o tanggap ka ng iyong lipunan.

Ang kahirapan ang isa mga bagay na hangga’t maari ay tinatakasan ng ating mga kababayan. Naniniwala ako na ang kahirapan ay isang siklo na kung saan kung hinid pagbubutihin ng anak na mahirap, hindi rin siya makakawala mula rito. Ngunit ang katotohanan ay marami tayong mahihirap na kababayan na may potensyal na makawala mula sa kahirapan ngunit wala talagang nakaka-kita sa kanila. Karamihan sa atin (kahit ako) ay nagiging bingi sa kanilang boses. Hindi natin sila tinatanggap sa ating lipunan. Tayo ay bulag sa katotohanan na sila ay nandiyan. Muli, naniniwala ako na ang kalayaan ay pagtanggap. Ang mga mahihirap ay hindi makakalaya mula sa kahirapan na purong tiyaga lamang. Kailangan nila ng pagtanggap at pagkilala.

Ang isa pang halimbawa nito ay ang mga kapatid natin muli na LGBT. Hindi nila magawang mailadlad kung ano man ang nais nila dahil siguradong hahatulan sila ng ating mapanghusgang lipunan. Hindi sila makalaya sa kanilang lipunan kaya naman sa huli, hindi rin nila natatamasa ang kalayaang personal.

 

Kalayaang Pambansa

Ngayong araw na ito ipinagdiriwang ang ika-115th na kalayaan ng Pilipinas mula sa 333 na taong pagkaka-alipin mula sa mga Espanyol. Nagtataka ako dati kung bakit inilipat pa ang Araw ng Kalayaan ng Hulyo 4 sa Hunyo 12. Sa totoo lang, may naisip akong isang makabuluhang teyorya tungkol sa ating lipunan. Ipinapakita lamang nito na hindi pa tayo lubos na malaya mula sa ibang bansa, partikular sa Estados Unidos. Maaring tuluyan na nga tayong nakalaya mula sa tanikala ng Espanya ngunit malaya na rin ba tayo kay Uncle Sam? Sino ba ang tumutulong sa oras ng ating kagipitan? Kaninong ekonomiya ba tayo naka-depende? Hindi ba’t lahat nang ito ay isinasandal natin sa Estados Unidos. Sa katotohanan, hindi pa rin naisasawalang buhay ang mga katagang “Whiteman’s burden” na tawag sa atin. Hanggang ngayon, tayo pa rin ang mga “litte brown brothers” ng Estados Unidos.

Sa kasalukuyan, mayroon isang kongkretong halimbawa nang ating pag-sandal sa Estados Unidos. Sa kasalukuyan, mayroon pa rin tayong sigalot na nararanasan sa kanlurang karagatan ng ating bansa. Hindi pa rin natin naaayos ang pakikipag-usap sa Tsina. Sa tingin ninyo, anong bansa ba ang tahasang tutulong sa atin para dito? Hindi ba’t Estados Unidos? Puwera na lang kung mag-mamatigas tayo at papanindigan na kaya nating makumbinse ang Tsina.

Noong mga nakaraang taon lamang, nang nagkaroon ng pagbagsak sa estado ng ekonomiya sa Estados Unidos, naging matindi rin ang epekto nito sa ibang bansa, kasama na tayo doon. Sa madaling salita, nakasandal pa rin tayo sa Estados Unidos. Maaring mayroon tayong sariling gobyerno, batas at soberanya ngunit para parin tayong bulag na nangangapa sa dilim. Kumbaga sa nag-aaral mag-bisekleta, tayo’y may-sidecar pa rin. Hindi ko naman sinisisi ang ating gobyerno o ang Estados Unidos sa kalagayan at kalayaan ng ating bansa. Mapalad tayo at dahan-dahan tayo tumatayo sa ating pagkukusa. Ngunit patuloy akong nangangarap na sana masilayan ko ang bansang Pilipinas na matikas na naka-tindig sa harap ng ibang mga bansa, mapayapa at may kalayaang ipagmamalaki na kaya niyang tumayo sa kanyang sarili.

 

Malayo-layo na rin ang nai-angat ng ating bansa. Marami na ring repormang naisagawa ang ating pamahalaan upang mapa-buti ang ang ating kalagayan. Ngunit, huwag tayong makuntento  na sapat na iyon para sa ating sarili. Naniniwala akong malayo pa ang kayang abutin ng ating bansa. Marami pang magagawa ang ating mga kabataan upang umunlad ang ating bansa. Lahat nang ating pagsisikap at sipag ay namumunga kung alam nating malaya nating maisasabuhay iyon. Kaya naman bilang pagwawakas, nais kong tanungin ulit ikaw kaibigan, Malaya ka ba? Kung hindi pa rin, maaring hindi pa ngayon o bukas, makakalaya ka rin sa iyong tanikala.

 

——- Juan Makata, ika-12 Hunyo taong 2013, 9:42 ng gabi

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s